Honor pupil todas sa rape, itinapon sa balon
Manila, Philippines - Karuma-ldumal ang sinapit ng isang 2nd year high school honor student matapos halayin saka paslangin at pagkatapos ay inilagay pa sa isang balon sa Brgy. Tigbawan, Tabuelan, Cebu kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Juliana Lahoylahoy, maglalabing-apat na taon na sana sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan sa darating na Martes (Hulyo 17) at honor student sa San Remigio National High School.
Sa ulat ni Inspector Roberto Hugo, officer-in-charge ng Tabuelan Police, dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ng kaniyang kapatid na lalaking si Jonie Lahoylahoy ang bangkay ng biktima na punit-punit ang damit pang-ibaba maging ang suot na sando at nakapulupot sa leeg ang duguang t-shirt nito at itinapon pa sa isang natigang na balon sa Sitio Dalinson, Brgy. Tigbawan ng bayang ito.
Ang biktima ay noon pang nakalipas na Huwebes napaulat na nawawala matapos mabigong makauwi ng kanilang tahanan kaya inireport ito sa pulisya ng kanyang 61-anyos na amang si Romendo Lahoylahoy.
Ayon sa opisyal, ang lugar na kinatagpuan sa biktima ay masukal at mahigit sa dalawang kilometro ang layo mula sa tahanan ng dalagita.
Bukod sa wasak ang ari, nabatid na ang bangkay ng biktima ay kinakitaan ng mga bakas ng kamay sa leeg na palatandaang sinakal ito ng mga salarin habang nakagapos naman ang kaniyang mga kamay ng plastic straw sa likuran at tadtad rin ng mga pasa at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, dalawa hanggang tatlong lalaki ang lumapastangan sa biktima na hinarang umano noong Huwebes ng hapon habang pauwi ng kanilang tahanan.
- Latest
- Trending