BATANGAS, Philippines - Binuwag ng pinagsanib na operatiba ng Task Force Taal Lake ng Department of Environment and Natural Resources at tauhan ng Tanggol Kalikasan ang magarbong Korean restaurant sa Taal Lake, Brgy. Talisay, Batangas dahil sa mga environment violations nito at kakulangan ng mga kaukulang papeles noong Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Executive Director Reynulfo Juan ng DENR Calabarzon, ang pagbuwag sa Taal Volcano Jung Ang Leisure Resort, Inc. (TVJALRI) ay resulta sa hindi nito pagpapakita ng mga dokumento kabilang na ang permit for the construction at operation.
Ayon kay Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) Protected Area superintendent Laudemir Salac, napag-desisyunan ng departamento na mag-isyu ng cease and desist order laban sa naturang restaurant base sa isinagawang technical conference noong Hulyo 27.
Binigyan na ng DENR ng notice of violation ang may-ari dahil sa extension lamang ito ng Buco Resort of Taal Volcano na may sukat na 6,900 sq.meter at walang kaukulang permit para sa National Intergrated Protected Area System Act.
Lumilitaw din na binigyan nila ng pagkakataon ang TVJALRI para makapagsumite ng kaukulang permit subalit hindi nila ito natupad kaya pinabuwag na ang nasabing restaurant.
Hindi naman naiwasan ang komosyon sa pagitan ng mga operatiba ng DENR at ilang kawani ng restaurant kung saan ikustodiya ang ilang gamit gayundin ang mga aquatic animal na naninirahan at water lily.
Nagmatigas naman ang kampo ng mga koreano sa pamamagitan ni Atty. Shemidah Cadiz na sinasabing nagpakita ng Environment Compliance Certificate (ECC).
“Only the court can declared the said closure,” dagdag pa ni Atty. Cadiz.