Manager ng minahan, 3 pa hinostage ng NPA
Manila, Philippines - Hinostage ng mga rebeldeng New People’s Army ang manager at tatlong kawani ng minahan sa panibagong paghahasik ng terorismo sa Purok 11, Brgy. Bayugan III sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Caraga PNP director P/Chief Supt. Reynaldo Rafal, sinalakay ng mga rebelde ang VPO Mining na pag-aari ni Engineer Vivencio Ocite ng Mining Enterprise sa Blue Ridge Mountain.
Dinisarmahan ang mga security personnel ng minahan saka hinostage si Christopher “Dodo” Ocite, operation manager at anak ni Engineer Vivencio Ocite at iba pang kawani.
Ang mga rebelde ay nakasuot ng camouflage uniform na sinasabing nagpanggap pang mga sundalo para mag-inspeksyon sa small scale mining company.
Nag-demand pa ang mga rebelde ng malalakas na kalibre ng armas bilang ransom kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
Agad namang bumuo ng Crisis Management Committee (CMC) ang lokal na pamahalaan para sa ligtas na pagpapalaya sa mga bihag ng rebelde kung saan pinalibutan ng tropa ng militar at pulisya ang nasabing minahan.
Bandang alas-3 ng hapon ay nagawang makatakas ng grupo ng rebelde matapos na gawing human shield ang mga bihag na sina Christopher Ocite, Gani Altaya, assistant operation manager; Joel Jayuma, security ng Jogons Security Agency at isang inhinyero na di natukoy ang pangalan.
Tangay din ng mga rebelde ang 5-shotgun at siyam na cal .45 pistol.
- Latest
- Trending