MANILA, Philippines - Namundok muli ang nakalayang kumander ng New People’s Army na akusado sa mga kasong kriminal matapos na magpiyansa mula sa kulungan sa Negros Occidental, ayon sa opisyal ng militar kahapon.
Sinabi ni Army’s 3rd Infantry Division spokesman Major Enrico Gil Ileto, na-monitor ng mga intelligence operative ang muling pamumundok ni Romeo Nanta, pinuno ng NPA’s regional operations command sa Negros Island.
Si Nanta ay pansamantalang pinalaya noong Pebrero 21, 2012 matapos na maglagak ng P80,000 piyansa sa korte sa tulong ng mga kaalyado nitong human rights advocate group at militanteng grupo.
Base sa tala, si Nanta na gumagamit ng mga alyas Juanito Magbanua, Jack Nanta, Juaning, Islao at Kulas ay nasakote sa bisa ng warrant of arrest sa mga kasong kriminal sa Brgy. Zone 2, Cadiz City noong Nobyembre 7, 2011.
Nabatid din na si Nanta ang responsable sa pananambang sa sasakyan ng lokal na pamahalaan sa Barangay Salamanca sa bayan ng Taboso, Negros Occidental noong Hulyo 13, 2009.
Maging ang pagsalakay at pagdisarma sa mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Group detachment sa Escalante City noong Marso 19, 2006 at ang panununog sa Victorias Milling Company, Globe Telecom cellsite sa Brgy. Poblacion at sa Central Lopez transloading Station sa bayan ng Toboso noong Marso 2008.