MANILA, Philippines - Natagpuang patay kamakalawa ng gabi ang 44-anyos na ministro ng simbahan at misis nito matapos na magkasunod na magpatiwakal sa Matina, Davao City.
Ang bangkay ng ministro ng Jehova’s Witness Church na si Ali Crisostomo ay natagpuang nakabigti sa kisame sa loob ng kuwarto nito.
Samantala, ang kaniyang misis na si Eden Crisostomo, 22, ay nakabulagta sa sahig at bumubula ang bibig matapos na uminom ng lason.
Bandang alas-6 ng gabi noong Lunes nang madiskubre ng kanilang mga kamag-anak ang bangkay ng mag-asawa kung saan nasa 8-oras matapos mag-suicide.
Natagpuan din ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang suicide note sa tabi ng bangkay ng ministro na humihingi ng tawad sa kaniyang mga kasamahan sa nasabing simbahan dahil sa mga nagawang kasalanan.
Inaalam din ng mga imbestigador kung si Ali nga ang may gawa ng suicide note.
Sa kabila nito, may teorya naman ang mga awtoridad na nilason muna ng ministro ang kaniyang misis bago ito nagbigti.