ILAGAN, Isabela, Philippines – Tinatayang aabot sa P1.6 milyong pansuweldo sa mga manggagawa ng Bio-Ethanol Plant project ang natangay ng mga armadong kalalakihan matapos holdapin ang negosyanteng kontratista sa Barangay Villaluz, Benito Soliven sa Isabela kamakalawa. Sa ulat ni P/Senior Supt. Vicente Valdez, lumilitaw nanlaban ang biktimang Evilio Miguel sa limang armadong holdaper kaya napilitang barilin ang negosyante bago tumakas na lulan ng pick up Mitsubishi Estrada na may commemorative plate PNP111. Napag-alamang si Miguel ay nakopo ang kontrata sa isinasagawang Bio-Ethanol Plant sa kalapit bayan ng San Mariano kung saan nakatakdang magpasuweldo sa kanyang mga tauhan subalit nalimas ng mga armadong kalalakihan.