CEBU CITY, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing makulong ang dalawang kawani ng Cebu Provincial Capitol matapos maaktuhan ng dalawang sekyu sa pot session sa loob ng gusali ng kapitolyo noong Huwebes ng gabi.
Ipinag-utos na ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang masusing imbestigasyon laban sa mga suspek na sina Cirilo “Jun-jun” Abrenica, administrative officer VI ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), at Cyril Solita, laborer.
Bukod kina Abrenica at Solita, sangkot din ang isang babae sa pot session, ayon kay Servillano Angcay, hepe ng mga guwardiya sa kapitolyo.
Naaktuhan sa pot session ang mga suspek matapos maghinala at inspeksyunin ng dalawang sekyu na sina Rosalio Tigle at Roel Ilustrisimo ang PPDO office.
Nabatid na naka-duty ang dalawang sekyu sa main entrance ng Capitol building sa Barangay Capitol Site, Cebu City nang dumating si Abrenica bandang alas-11:40 ng gabi kung saan humingi ito ng permiso na makapasok dahil may nakalimutan sa kanyang office.
Pinayagan naman nina Tigle at Ilustrisimo si Abrenica subalit makalipas ang 10 minuto ay dumating naman si Solita na may kasamang babae para magtungo sa palikuran kung saan pinahintulutan ding makapasok.
Dito na naghinala ang dalawang sekyu matapos lumabas si Solita na nag-iisa na hindi kasama ang babaeng kasama nitong pumasok sa palikuran.
Kasunod nito, nagronda na ang dalawang sekyu para hanapin ang babae na kasama ni Solita.
Hanggang sa maaktuhan ng dalawang sekyu ang di-kilalang babae at si Abrenica sa pot session na kaagad naman tumakas matapos masopresa ng mga guwardiya.
Hindi naman maipaliwanag ng dalawang sekyu kung papaano nakalabas ng gusali ang mga suspek dahil ang main gate lamang ang bukas.