TAYTAY, Rizal, Philippines - Nailigtas ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Counter-Terrorism Division ang batang lalaki na dinukot sa Biñan, Laguna sa isinagawang operasyon sa Taytay, Rizal kahapon. Ayon kay Atty. Virgilio Mendez, NBI deputy director for Regional Operations Services, nasagip ang 8-anyos na batang taga-Myanmar sa abandonadong bahay sa Pines Ville Subdivision sa nasabing bayan. Wala na ang mga kidnaper nang dumating ang mga tauhan ng NBI dahil na rin sa sumbong ng mga nakatira sa nasabing subdivision. Matatandaan na noong Biyernes ng umaga ay hinarang ng mga armadong kalalakihang lulan ng Nissan Sentra (TBK 827) ang school bus na sinasakyan ng bata sa national highway sa Barangay San Francisco sa Binan, Laguna. Kwento ng bus conductor na si Flash delos Reyes, tatlong armadong kalalakihan ang bumaba sa kotse at pinasok ang school bus ng bata. “Humarang po sa amin ‘yung kotse. Tapos lumabas ‘yung isa na may armalite tapos lumabas din ‘yung dalawa. Tinutukan ‘yung driver tapos pinabubuksan sa bata ‘yung pinto, binuksan naman po,” pahayag ni Delos Reyes. Hindi pa naman malinaw kung nagbayad ng ransom money ang pamilya ng biktima kapalit ang kalayaan nito.