Pulis na sangkot sa droga, itinumba
MANILA, Philippines - Napaslang ang 54-anyos na pulis matapos na pagbabarilin ng limang armadong kalalakihan na lulan ng dalawang motorsiklo matapos itong dumalo sa court hearing sa kasong illegal na droga sa naganap na pananambang sa Barangay Poblacion, Danao City, Cebu kamakalawa.
Apat na tama ng bala ng baril sa dibdib at likuran ang tumapos sa buhay ni SPO2 Roberto Canencia, nakatakdang magretiro sa serbisyo sa Cebu Provincial Police Office.
Sa ulat ng Danao City PNP, naganap ang pananambang sa bisinidad ng Pio del Pilar Street sa Barangay Poblacion habang ang biktima ay lulan ng motorsiklo patungo sa kanilang bahay sa Barangay Sabang.
Ang biktima ay dumalo sa court hearing sa kasong illegal drugs na kaniyang kinasasangkutan kung saan nakalalaya matapos na magpiyansa.
Si SPO2 Canencia na kilalang sharpshooter ay niratrat sa likuran ng tatlong kalalakihang nakamotorsiklo.
Ayon kay SPO1 Rodrigo Roble, nagawa pang makagapang ng duguang biktima at tinangka pang bunutin ang kaniyang cal. 9mm upang gumanti subalit pinagbabaril siya ng ikalawang riding-in-tandem na backup.
Naisugod pa sa Danao City District Hospital subalit idineklarang patay ang biktima.
Samantala, naniniwala si Cebu Provincial Police Office director Patrocinio Comendador na ang pamamaslang sa biktima ay may kaugnayan sa kinasasangkutan nitong operasyon sa bawal na droga subalit itpinag-utos naman sa kapulisan sa Danao City na masusing imbestigahan ang naganap na krimen.
Nabatid na si Canencia ay dating nakatalaga sa bayan ng Minglanilla subalit inilipat sa Danao City, matapos itong masakote sa inilatag na drug operation sa Barangay Tuburan noong Enero 2011.
Lumilitaw na escorted ni Canencia ang sinasabing syota nito na si Marites Dalumpines nang maaresto ng Provincial Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (PAIDSOTG) na pinamumunuan pa ni CPPO director Erson Digal.
Nasakote rin sa nasabing drug operation ang isa pang suspek na si Jeshwani Tabla. Dagdag ulat ng Freeman News Service
- Latest
- Trending