MANILA, Philippines - Natukoy na ng Phil. Coast Guard ang Chinese vessel na nagpalubog sa bangka ng walong mangingisda kung saan nasawi ang isa habang apat iba pa ang nawawala noong Hunyo 22 ng gabi sa karagatan ng Pangasinan.
Samantala, patuloy naman ang search and rescue operations sa apat pang mangingisdang Pinoy na sina Fred Celino, Arnold Garcia, Domy delos Santos, at si Amante Rezonable na pawang nakatira sa Barangay Corcodia, Bolinao, Pangasinan.
Ang mga mangingisda ay lulan ng bangkang AXL John na sinasabing pinalubog ng Chinese vessel sa karagatang malapit sa Scarborough Shoal, ayon sa opisyal ng NDRRMC na si Executive Director Benito Ramos.
Noong Hunyo 23, tatlo sa mga mangingisda ay nasagip na nakilalang sina Edimio Balmores, 40; Celino Damian, 32; at si Herman Balmores, 51.
Aminado naman ang opisyal na hirap ang mga rescuer sa paghahanap sa mga biktima dahil sa masungit na panahon.
Itinanggi naman ng China na vessel nila ang sangkot sa insidente na ikinasawi ng mangingisdang si Christopher Carbonel, 32, na namatay sa gutom at matinding ginaw sa gitna ng karagatan.
Sa kabila naman ng pagtanggi ng China na pag-aari nila ang nasabing sasakyang pandagat na sangkot sa insidente, ay naiposte sa website ng Philippine Coast Guard na ang vessel na bumangga sa AXL John ay ang M/V Peace Mountain na Hong Kong registered cargo ship.
Ang walong mangingisda ay naglayag noong Hunyo 18 upang mangisda sa bahagi ng Scarborough Shoal kung saan sinalpok at palubugin ng Chinese vessel noong Hunyo 22 ng gabi.
Ang Scarborough Shoal na nasa 124 nawtikal na milya sa karagatan ng Masinloc, Zambales ay pilit na inaangkin ng China.