Bacoor, lungsod na
CAVITE, Philippines - Isa nang ganap na lungsod ang bayan ng Bacoor sa lalawigan ng Cavite matapos umani ng 80 percent ng mga botante ay pumabor sa cityhood nito sa ginanap na plebisito kamakalawa.
Nagpasalamat naman si Mayor Strike Revilla sa mga sumuporta sa cityhood ng Bacoor.
Ayon naman kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., kapatid ni Mayor Strike, ang pagiging lungsod ng Bacoor ay mangangahulugan lamang ng malaking pondo ng lungsod para sa mas ibayong paglilingkod sa mamamayan.
“Ang annual budget ng Bacoor is P474 million. Pag naging siyudad na ‘yan, minimum na madadagdag diyan P200 to 300 million, almost double,” wika pa ni Sen. Revilla. Nilinaw din ni Sen. Revilla na ang pagiging lungsod ng Bacoor ay hindi mangangahulugan ng mas mataas na buwis sa mamamayan dahil mayroong 5-year moratorium sa mas mataas na buwis. Aniya, magkaroon man ng pagbabago sa babayarang buwis ay magiging gradual ito pagkatapos ng 5-year moratorium. Naniniwala rin si Sen. Revilla na susunod nang magiging lungsod ang Imus kung saan ang plebisito naman nito ay isasagawa sa June 30.
Noong Abril ay nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang cityhood ng Bacoor.
- Latest
- Trending