QUEZON, Philippines - Nauwi sa trahedya ang unang araw sa trabaho ng 21-anyos na computer engineering graduate matapos na ito ay makuryente habang nagwe-welding sa construction site sa Barangay Masin Norte sa bayan ng Candelaria, Quezon, kamakalawa ng hapon. Hindi na umabot ng buhay sa Peter Paul Hospital ang biktimang si Carlo Pagal Buan. Sa imbestigasyon ni PO2 Archivald Real, dakong ala-1:30 ng hapon ay nasa LMI Construction ang biktima upang pumasok sa unang araw ng trabaho bilang welder. Gayon pa man ay hindi sanay sa kauna-unahang trabaho ay napahawak ang biktima sa talop na kable ng welding machine hanggang sa makuryente at magkikisay. Binanggit sa ulat na nagpasya ang biktima na pumasok bilang welder sa construction upang makapag-ipon ng pera sa kanyang pagkuha ng pagsusulit.