58 mag-aaral nalason
SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Umaabot sa 58 mga batang mag-aaral sa elementarya ang magkakasunod na isinugod sa pagamutan matapos malason sa kinaing bunga ng tuba-tuba sa Brgy. Commonal ng bayang ito kamakalawa ng gabi. Batay sa salaysay ng mga batang biktima, bago mag-alas-5 ng hapon nang kumain umano sila ng bunga ng tuba-tuba na sa lokal na diyalekto ay tagumbao. Sa imbestigasyon, sa pag-aakalang prutas ay pinitas ng mga batang estudyante ang bunga ng tuba-tuba na nagsisilbing bakod malapit sa kanilang paaralan saka kinain ito. Bagama’t karamihan sa mga kumain ng bunga mula sa kinder hanggang Grade 5 ay naka-uwi pa sa kani-kanilang tahanan, ang ilan naman ay agad na nakaranas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, pagtatae at pagsusuka. Dahil dito ay magkakasunod na isinugod mga biktima sa ibat-ibang pagamutan kung saan 3 ang na-confine sa MMG Hospital sa bayan ng Solano, 34 sa Veterans Regional Hospital (VRH) ng Bayombong at 21 naman sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital (NVPH) sa bayan ng Bambang ng lalawigang ito. Sa pagsusuri, kinumpirma ni Dr. Edwin Galapon, Provincial Health Officer na nalason ang mga bata sa kinaing bunga ng tuba – tuba at mabuti na lamang at naagapan ang mga ito.
- Latest
- Trending