STA CRUZ, Laguna, Philippines – Binabalot ngayon ng takot ang pamilya ng isang 7-anyos na batang dayuhang anak ng prominenteng negosyante matapos dukutin ito ng mga armadong kalalakihan sa lungsod ng Biñan sa Laguna kahapon ng umaga
Kinilala lamang ni Senior Superintendent Gilbert Cruz, Laguna Police Director ang biktima na si Reynald Chew, Myanmar national, estudyante ng Montesori Childrens Woodside sa lungsod.
Ayon sa report, papasok na ng kanyang eskwelahan ang biktima sakay ng school service nang harangin ng apat na armadong kalalakihan sakay ng isang kulay maroon na Nissan Sentra (TBK 827) pagsapit sa national highway Bgy San Francisco bandang alas- 7:30 ng umaga
Batay sa salaysay ng mga saksi, puwersahang isinakay ang biktima sa get-away vehicle ng mga suspek bago sumibat patungo sa ‘di malamang direksyon
Ayon kay Cruz, tinurn-over na nila ang kaso sa Anti-Kidnapping Task Group ng Camp Crame para magsagawa ng follow-up operation.