MANILA, Philippines - Patay ang isang brgy. chairwoman na nasa huling termino na ng kaniyang panunungkulan matapos na paulanan ng bala ng motorcycle riding in tandem sa Brgy. Banale, Pagadian City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Pagadian City Police Director P/Supt. Kenneth Mission ang nasawing biktima na si Evelyn Cobarrubias, incumbent brgy. chairwoman sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa gate ng tahanan ng biktima sa Brgy. Banale ng lungsod bandang alas-8:45 ng gabi.
Kasalukuyan umanong papasok sa gate ng kaniyang bahay ang biktima nang biglang sumulpot ang riding in tandem at walang sabi-sabing puntiryahin ito ng pamamaril.
Ang biktima ay duguang bumulagta sa insidente sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinasawi.
Matapos makasigurong patay na ang target ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa pulitika ang insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.