CARMEN, North Cotabato, Philippines – Tinatayang aabot sa P50,000 cash ang natangay mula sa driver at limang pasahero ng van matapos holdapin ng limang kalalakihan sa bahagi ng Amas Highway sa Barangay Patadon, Kidapawan City, North Cotabato, kamakalawa ng gabi.
Lumilitaw na bandang alas-8:30 ng gabi nang sumakay ang tatlong holdaper sa bahagi ng Kidapawan Mercantile sa Quezon Blvd.na nagpanggap na mga pasahero.
Pagsapit sa harap ng Bureau of Plant Industry sa Amas Highway ay sumakay naman ang dalawa pang lalaki kung saan mabilis na nagdeklara ng holdap.
Pinaghubad pa ng t-shirt at pantalon ang apat na pasaherong lalaki kung saan dalawang babae naman ay di-ginalaw, ayon kay P/Chief Inspector Jordaine Maribojo, hepe ng Carmen PNP.
Tumuloy ang van sa Barangay Kibayao sa bayan ng Carmen kung saan nagpulasan ang limang holdaper matapos tangayin ang malaking halaga at personal na gamit ng limang pasahero.
Dito na humingi ng saklolo ang mga pasahero sa detachment ng 7th Infantry Battalion na nakabase sa Barangay Nasapian.
Ang pampasaherong van (MB6 276) ni Leo Ignacio ay patungo sana sa bayan ng Kabacan mula sa Davao City.