BAGUIO CITY, Philippines – Mabubulok sa kulungan ang 41-anyos na mister matapos hatulan ng mababang korte ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo na napatunayang nagbebenta ng pinatuyong dahon ng marijuana sa Upper Crystal Cave sa Baguio City noong Hulyo 19, 2009.
Sa 13-pahinang desisyon na may Hunyo 11 ni Judge Antonio Reyes ng Baguio City Regional Trial Court Branch 61, bukod sa hatol na dalawang habambuhay na pagkakulong ay pinagbabayad ng P10 milyon bilang danyos ang akusadong si Jimmy Ramirez y Gundran, tubong Maitum, South Cotabato at nakatira sa Upper Crystal Cave.
Ibinase ni Judge Reyes ang desisyon sa mga ebidensyang isinumite ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency na ang akusado ay nasakote sa inilatag na buy-bust operation kung saan nakakumpiska ng apat na bloke (3,825.50 grams) ng pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P95,637.50.
Ayon sa ulat ng PDEA, positbo ring gumagamit ng marijuana ang akusado matapos lumalabas sa pagsusuri ang urine sample.
“Drug addiction is one of the most pernicious evils that have ever crept into our society. More often than not it is the young who constitute the greater majority of the citizenry who are the victims,” pahayag ni Judge Reyes.