TUGUEGARAO CITY, Philippines – Trahedya ang sumalubong sa pagdiriwang ng Father’s Day matapos pagtatagain hanggang sa mapatay ang 65-anyos na ama ng kanyang anak na lalaki sa bakuran ng kanilang tahanan sa Barangay Centro 2m sa bayan ng Lasam, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ni P/Senior Insp. Saturnino Soriano, hepe ng pulisya, ang biktima na si Jaime Malabad Sr. habang naaresto naman ang suspek na si Jaime Malabad Jr. na kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama matapos punahin ng biktima ang hindi magandang trato nito sa ina habang humihingi ng pulutan.
Naungkat din sa pagtatalo ang pagmamalupit ng ama sa sariling anak mula nang ito ay musmos pa lamang.
Ayon sa imbestigasyon, kumuha ng itak ang ama upang tagain ang kanyang anak subalit naagaw naman ng suspek at pinagtataga ang bao nito na halos mabiyak.
Gayon pa man, isa sa kapatid ng suspek na nakilalang si Maximo ang nagtangkang umawat subalit pinagtataga din at sa ngayon ay nasa malubhang kalagayan.
Samantala, ipinagdiwang ng iba pang kaanak ng biktima ang Father’s Day habang nakaburol ang mga labi nito.