Pagkawala ng TV reporter, 2 crew pinagdudahan
Manila, Philippines - Pinagdudahan kahapon ang sumingaw na balita kaugnay sa pagkawala ng Jordanian TV reporter kasama ang dalawa nitong Pinoy crew na sinasabing dinukot sa Jolo, Sulu.
Ayon sa opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan, hindi sila kumbinsido sa ulat na dinukot si Jordanian TV reporter Baker Abdullah Atyani, bureau chief ng Al Arabiyah Southeast Asia television network na nakabase sa Dubai.
Bukod kay Atyani, kasama pa sa dalawang nawawala ay ang mga crew nitong sina Rolando Letrero at Ramelito Vela.
Nabatid na si Atyani ay ilang beses ng nakapagsagawa ng eksklusibong interview sa lider ng Al Qaeda na si Osama bin Laden noong nabubuhay pa ito kung saan ay ligtas itong nakakauwi.
Bukod dito ay nagpapabalik-balik sa Sulu si Atyani at naglalabas masok sa kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf Group.
Base sa rekord, noong Hunyo 11 ay muling nagbalik sa Sulu si Atyani upang magsagawa ng dokumentaryo sa selebrasyon ng Independence Day na ayon sa opisyal ay kaduda-duda dahil wala namang historical sites sa nasabing lalawigan.
Target ng grupo ni Atyani na kapanayamin ang bagong lider ng Abu Sayyaf na si Commander Yasser Igasan na sinasabing nagkakanlong sa kaalyadong Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na nagtatago sa Sulu.
Samantala, hindi rin inaalis ang posibilidad na insider o symphatizer ng bandidong grupo si Atyani na sinasabing may hidden agenda si Atyani sa muli nitong pagtatangka na tumungo sa teritoryo ng mga bandido.
Si Atyani ay tumanggi sa security escort na iniaalok ni Sulu Gov. Abdusakur Tan sa pagsasabing hindi lalayo sa tinutuluyang hotel subalit may sumundo ritong mga kalalakihan ng muling umakyat sa kuta ng Abu Sayyaf.
Gayon pa man, walang impormasyon ang PNP at AFP sa sinasabing humingi na ng US$5 milyong ransom ang grupo ni Igasan kapalit ng kalayaan ng news team.
- Latest
- Trending