P5-M mineral nasamsam
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Tinatayang aabot sa P5 milyong halaga ng luyot (mine tailing) ang nasamsam ng pulisya sa Nueva Vizcaya, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay P/Senior Supt Valfrie Tabian, police provincial director, umaabot sa 500 sako na may 30 toneladang smuggled na mine tailings ang lulan ng trailer truck (RGY 407) nang masabat ng kanyang mga tauhan sa Barangay Tactac sa bayan ng Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Arestado naman ang mga suspek na sina Jerry Salazar, 43, driver; at Rodel Cuena, 18, pahinante at kapwa nakatira sa Barangay San Nicolas III, sa bayan ng Bacoor, Cavite.
Sa pagsusuri ng environment office na nakabase sa provincial capitol, lumalabas na ang mga mine tailing na tinangkang ipuslit ay pawang primera klase na uri ng ore.
Wala naman maipakitang kaukulang dokumento ang driver at pahinante kaya pormal na kinasuhan.
Personal na tinungo ni Nueva Vizcaya Governor Luisa Lloren Cuaresma ang nakumpiskang kontrabando upang masiguro na masasampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot sa iligal na transportasyon ng ore mula sa mga mining site ng Nueva Vizcaya.
- Latest
- Trending