MANILA, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng 37-anyos na mangingisda matapos arestuhin ng mga awtoridad dahil sa pag-iingat ng 66 pirasong pinatuyong pawikan sa kanyang bahay sa Sitio Tinambak sa Barangay Datu Puti sa bayan ng Sitangkai, Tawi-Tawi kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Rodelio Jocson na isinumite sa Camp Crame, nahaharap ngayon sa paglabag sa Wildlife Act ang suspek na si Utong Gumbahali.
Nabatid na nagsasagawa ng seaborne operation ang mga elemento ng Philippine Marines sa pamumuno ni 2nd Lt. Freddie Ceballos at ng lokal na pulisya sa pamumuno naman ni P/Senior Inspector Salbayani nang maispatan sa bahay ng suspek sa tabing dagat ang mga pinatuyong pawikan na nakasampay sa alambre.
Mabilis na pinuntahan ng team ang nasabing bahay at nasamsam ang kabuuang 66 piraso ng pinatuyong pawikan na ang shell o takip sa likod ay sumusukat ng 32 inches by 24 inches at ang pinakamaliit ay nasa 21 inches by 17 inches na ikinakalakal ng suspek.
Ang mga nasamsam na pinatuyong pawikan ay isinailalim sa kustodya ng mga awtoridad para sa kaukulang disposisyon.