Sarangani flashflood: 2 dedo, 75 nailigtas
MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang 75 naman ang nailigtas sa pananalasa ng flashflood sa Sarangani, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Council, kinilala ang mga nasawi na sina Segapo Cabigding, 63, ng Brgy. Cross, Glan at Rolando Mata, 40, ng Brgy. Saeg, Calumpang, General Santos City.
Bandang alas – 6:45 ng umaga kamakalawa nang magsimulang rumagasa ang flashflood sa Brgy. Big Margus, Pangyan at Cross sa Glan, Sarangani sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan.
Isinailalim na sa state of calamity ni Glan Mayor James Victor Yap ang kanilang bayan matapos na maapektuhan ng flashflood ang 20 barangay.
Naitala naman sa 250 kabahayan, fish pond, water reservoir at tatlong bangkang pangisda ang nawasak habang aabot naman sa 29 alagang hayop ng nalunod kabilang na ang 11 baka, limang kalabaw, limang kabayo at pitong kambing.
Samantala, nasa 568 namang pamilya ang naapektuhan kung saan pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation centers sa Brgy. Hall ng Big Marcus, Small Margus, Pangya at Cross.
Patuloy naman ang disaster relief and rescue operation ng Army’s 73th Infantry Battalion ni 1st Lt. Nestor Valenzuela II at ng mga lokal na opisyal.
- Latest
- Trending