Barko lumubog: 5 patay, 54 nasagip
MANILA, Philippines - Umaabot sa lima-katao ang iniulat na nasawi habang 54 naman ang nasagip makaraang lumubog ang cargo passenger vessel sanhi ng malalakas na hampas ng alon na dulot ng masamang panahon sa karagatang sakop ng Pagawanin Island sa Barangay Bebeladan sa bayan ng El Nido, Palawan noong Martes ng gabi.
Sa phone interview, kinumpirma ni Commodore Alexander Lopez, commander ng Joint Task Force Malampaya na kabilang sa mga narekober na bangkay sa inilatag na search and rescue operation ng pinagsanib na elemento ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard ay tatlong babae at dalawang lalaki.
Nasa 49 namang pasahero ang nailigtas kabilang ang ilang tripulante ng M/V Josille II cargo passenger vessel na pag-aari ng Atienza Shipping Lines na ang operator ay si Joseph de Castro.
Tinatayang aabot naman sa 17 tripulante at hindi pa batid kung ilan ang sakay ng barko dahil ang nasa passengers manifest ay 34 lamang pero lumilitaw na nasa 49 na ang kanilang na-rescue na survivor at inaalam pa ang eksaktong bilang ng mga nawawala sa trahedya.
Nabatid na naglayag ang barko mula sa Liminangcong Pier sa bayan ng Taytay, Palawan bandang alas-7 ng gabi noong Martes at patungo sa bayan ng Coron bago ito dumiretso sa pantalan ng Maynila.
Kabilang naman sa mga kargamento ng barko ay 65 kalabaw at iba pa.
“Were experiencing difficulty on the rescue operations because of bad weather, masyadong lakas alon dun sa area, “ani Lopez.
-Dagdag ulat ni Ludy Bermudo
- Latest
- Trending