Akyat-bahay todas sa negosyante

MANILA, Philippines – Isa sa tatlong notoryus na miyembro ng Akyat-Bahay Gang ang nabaril at napatay ng niloobang nilang negosyante habang papatakas  sa Barangay Villamonte, Bacolod City kamakalawa.

Binawian ng buhay ilang oras matapos na isugod sa Bacolod Doctors Hospital si Emmanuel Cordova, 32, tinamaan ng bala ng baril sa batok.

Sa ulat ng Bacolod City PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-3 ng madaling araw nang pasukin ng tatlong Akyat-Bahay Gang ang bahay ng negosyanteng si Elly Sander Ocampo.

Lumilitaw sa imbesti­gasyon, natutulog si Ocampo nang maalimpungatan ito sa mga kaluskos na nagmumula sa kanilang pintuan.

Kinuha ni Ocampo ang nakatagong cal. 9mm at su­milip sa pinto kung saan naaktuhan ang tatlong kawatan na bitbit na ang mga ninakaw tulad ng pera, alahas, cell phone, at iba pa.

Hindi nasiraan ng loob si Ocampo na agad pinaputukan ang tatlo kung saan sumapol sa batok ni Cordova na nahulog sa motorsiklo.

Nabawi naman ang por­table compact disc player at isa pang clutch bag habang nagawa namang makatakas ng mga kasamahan ni Cordova na tangay ang iba pang mga mahahalagang kagamitan.

Isinuko naman ni Ocampo ang baril na may walo pang bala habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments