Manila, Philippines - Dahilan sa kabiguang arestuhin at ikalaboso ang isang umabusong brgy. chairman na nasangkot sa pananampal ng isang negosyante na nagtangka pang magbunot ng baril sa himpilan ng pulisya, sinibak na sa puwesto kahapon ang isang hepe ng pulisya at pito nitong tauhan sa bayan ng Pandan, Antique.
Kinilala ang mga nasipa sa puwesto na sina P/Sr. Inspector Roberto Indiape Jr., hepe ng Pandan Municipal Police Station (MPS); mga tauhan nitong sina SPO2 Gerry Alondagay, SPO1 Jonathan Ricote, PO3 Bartolome Evangelio, PO2 Althem Berug, PO2 Aries Dulalia, PO2 Macario Terones at PO1 Elton P. Manatac.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 6 P/Chief Supt. Cipriano Querol Jr., ito’y matapos na mapatunayang sangkot ang mga ito sa ‘neglect of duty’ na lumitaw sa isinasagawang masusing imbestigasyon sa kaso na naganap noong gabi ng Abril 2 ng taong ito.
Sa reklamong inihain sa Pandan MPS ng biktimang si Ali Abubakar, residente ng Brgy. Magdalo, La Paz, Iloilo City, pinagsasampal umano siya sa harapan ng kaniyang tindahan sa Brgy. Centro Norte sa bayan ng Pandan ng suspek na si Brgy. Chairman Ronardo Cunanan na noo’y nakainom ng alak.
Nabatid na ipinasasara ng lasing na si Cunanan ang tindahan ni Abubakar sa kabila ng may business clearance na inisyu dito ang lokal na pamahalaan.
Nagreklamo sa pulisya si Abubakar at ng imbitahan naman sa himpilan si Cunanan ay muli nitong pinagsasampal sa harapan ng mga pulis at ng mga kasamahan ang negosyante na tinangka pa ng suspek na bumunot ng baril.