QUEZON, Philippines – Matinding selos ang sinasabing isa sa motibo kaya binaril at napatay ang 31-anyos na vendor na babae sa Maryland Subdivision, Barangay Mangilag Sur sa bayan ng Candelaria, Quezon kamakalawa ng umaga. Ayon kay SPO3 Menardo del Mundo, dakong alas-10: 55 ng umaga habang nasa loob ng nirerentahang apartment ang biktimang si Edessa de Luna ay may kumatok sa pinto. Nang buksan ang pintuan at isinungaw ang ulo ay binaril ito ng gunman saka tumakas matapos bumulagta ang biktima. Malaki ang paniniwala ng pulisya na iniupa ang buhay ng biktima sa gunman batay sa natagpuang sulat na nagsasaad ng pagbabanta.