QUEZON, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang 62-anyos na retiradong nurse na US citizen matapos looban ng mga di-kilalang kalalakihan na sinasabing miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa Barangay Daungan sa bayan ng Mauban, Quezon, kamakalawa ng umaga. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mark Remolona Lim ng #68 Rizal Street, Camposano sa nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Roderick Elardo, dakong alas-9 ng umaga nang pasukin ng mga ‘di-kilalang lalaki ang bahay ng biktima habang ito ay namamahinga sa kanyang kuwarto sa ikalawang palapag.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na hinalughog ang kuwarto at tinangay sa pagtakas ang mga alahas, cell phone at hindi pa batid na halaga at mga mahahalagang papeles.