MANILA, Philippines - Matapos ang apat na araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnapper ang bihag ng mga itong dating alkalde at isang negosyanteng inhinyero na inabandona sa isang lugar sa Brgy. Zone 3, Lanuza, Surigao del Sur kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-Police Community Relations Group (PNP-PCRG) Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. ang pinakawalang bihag na si Engineer Victor Lim Tan, 67-anyos, dating alkalde ng bayan ng Carrascal ng lalawigang ito.
Ayon kay Cruz, bandang alas-9 ng umaga nang pakawalan ng mga kidnapper ang biktima na sinundo ni Carrascal Vice Mayor Alfred Arreza kasama ang mga escort na pulis sa nasabing lugar.
Una nang humingi ang mga kidnapper ng P70-M kapalit ng pagpapalaya kay Tan matapos itong dukutin habang nag-iinspeksyon ng kanilang proyekto sa bayan ng Lanuza noong Mayo 21 dakong alas-9 ng umaga.
Samantalang bagaman noong una ay nagpanggap na mga rebeldeng NPA ang mga kidnapper, sa imbestigasyon ng pulisya ay lumilitaw na isa itong kidnapping for ransom group na konektado umano sa ilang pulitiko.