Ex-mayor kinidnap ng NPA

MANILA, Philippines - Dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army ang 67-anyos na dating alkalde sa bayan ng Carrascal, Surigao del Sur matapos lusubin ang construction site nito sa bayan ng Lanuza kamakalawa.

Kinilala ni Caraga spokes­man P/Senior Supt. Martin Gamba, ang biktima na si Engineer Victor Lim Tan, 67, may asawa, manager ng Carrascal Integrated Enterprise at nakatira sa Barangay Barcadero sa nabanggit na bayan.

Naganap ang pagdukot sa bisinidad ng Catugpas Bridge 1 at 2, Sitio Catugpas sa Barangay Zone 3, bandang alas- 9 ng umaga.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, walong armadong rebelde ang lumusob sa construction site kung saan tinangay ang biktima.

Kaagad naman nai­paabot sa pulisya ang naganap na insidente matapos makaligtas ang personal driver ni Tan na si Julis  Arco Arnego.

Base sa tala ng pulisya, ang biktima ay dinukot  na rin ng NPA noong 1997 matapos itong bumisita sa construction project sa Brgy. Diatagon, Lianga, Surigao del Sur kung saan ilan buwang pagkakabihag ay pinalaya.

Pinaniniwalaan naman na may kaugnayan sa revolutionary tax na tumatangging magbigay ang biktima.

Show comments