MANILA, Philippines - Umaabot sa 287 pamilya ang nagsilikas matapos sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng magkalabang grupo ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa bayan ng Carmen, Cotabato kamakalawa.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, hepe ng Public Affair’s Office ng Army’s 6th Infantry Division, bandang alas-6 ng umaga nang magsagupa ang grupo nina MNLF Kumander Teo Minanimbong at Kumander Karim Sagadan ng MILF 110th Base Command sa bisinidad ng Barangay Tonganon.
Lalong naging magulo ang sitwasyon matapos na makilahok sa sagupaan ang mga Civilian Volunteer Organization kung saan nasugatan si Abubakar Ali, lider ng grupo ni Minanimbong na isinugod sa Aleosan District Hospital.
Tumagal ng 15-minuto ang sagupaan bago humupa matapos rumesponde ang tropa ng Army’s 7th Infantry Battalion.
Samantala, sa takot na maipit sa sagupaan ay nagsilikas naman ang may 287 pamilya mula sa Barangay Tonganon at nagtuloy sa mga evacuation center habang ang iba pa ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.