MANILA, Philippines - Nakaligtas sa kamatayan ang dalawampu-katao na kinabibilangan ng mga estudyante at madre na nasugatan makaraang mahulog ang mini-bus sa may 30-metrong lalim na bangin sa Barangay Igmaya-an sa bayan ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental kahapon ng tanghali.
Sa inisyal na ulat ng Negros Occidental Provincial PNP Office, naganap ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-11:15 ng tanghali.
Ang mini-bus na pag-aari ng Don Bosco Technical Institute na minamaneho ni Francis Ledesma ay nagmula sa Cebu City lulan ang mga estudyanteng kalahok sa youth camp delegate at ilang madre nang mangyari ang sakuna.
Patungong Mt. Bucal sa bayan ng Murcia ang mga biktima upang lumahok sana sa summer camp nang magloko ang preno ng bus at hindi nakontrol ng driver ang manibela nito kung saan ay tuluy-tuloy ito sa bangin.
Ang mga nasugatan ay mabilis na isinugod sa ospital na karamihan ay dinala sa Bacolod City.