Bus nag-dive sa kanal: Mag-ina utas, 26 sugatan
BATANGAS, Philippines - Masaklap na kamatayan ang sumalubong sa mag-ina habang aabot naman sa 26 iba pa ang sugatan matapos mahulog ang pampasaherong bus sa malalim na kanal sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway sa Barangay Aya, San Jose, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni Alarcon Ocfemia, Star tollway operations officer ang mag-inang namatay na sina Rita Mapacpac Suege, 27; at Elijah Emmanuel Suege, 2, kapwa nakatira sa Bonifacio Street sa bayan ng Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Aabot naman sa16 pang pasahero ang isinugod sa Mary Mediatrix Hospital sa Lipa City, Batangas habang 10 naman sa San Jose District Hospital.
Lumiitaw na patungong Batangas Pier mula sa Maynila ang RORO Bus (UVT 990) nang maganap ang aksidente bandang alas-8:20 ng umaga.
Sa salaysay ng mga saksing pasahero na nakaidlip ang co-driver/conductor na si Leo Borilla kaya nahulog ang bus sa kanal na may kalahating metro ang lalim sa KM-87 sa nabanggit na barangay.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni P/Chief Insp. Pedro Macaraig, hepe ng San Jose PNP sa kanyang mga tauhan ang malawakang follow-up operation laban sa tumakas na driver ng bus na si J. Tolentino na nahaharap ngayon sa kasong kriminal.
- Latest
- Trending