MANILA, Philippines - Isa na namang alagad ng batas ang napatay matapos itong pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa kahabaan ng 20 Street sa Barangay East Bajac-Bajac sa Olongapo City kamakalawa ng umaga. Kinilala ang napaslang na si PO2 Ariel Feliciano ng Police Community Precinct 2 sa nabanggit na lungsod. Sa ulat ng Olongapo City PNP na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen dakong alas-8:30 ng umaga kung saan nagmomotorsiklo ang biktima. Nabatid sa ulat na sinudan at pinagbabaril ang biktima ng riding-in-tandem saka nagsitakas patungo sa direksyon ng Gordon Avenue habang patuloy naman ang imbestigasyon.