Misis ng judge, pamangkin nilikida

MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng misis ng judge at pamangkin nitong 17-anyos na pinaniniwalaang hinalay pa ang huli sa loob ng pension house ng pamilya sa Barangay Ilaya sa bayan ng Barotac Nuevo, Iloilo kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Sonia Amular, 65, asawa ni Judge Daniel Antonio Gerardo Amular ng Mambusao Regional Trial Court sa Capiz at Rubilyn “Tata” Dioso, 17.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Gil Blando Lebin Jr. na nakarating sa Camp Crame, dakong alas- 7:20 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ng magtiyahin.

Pinaniniwalaan namang naganap ang krimen kahapon ng madaling araw dahil sariwa pa ang dugo ng mga biktima.

Ang matandang Amular ay nagtamo ng walong saksak sa katawan at pinalo pa ng matigas na bagay sa ulo habang aabot naman sa 20 ang tinamong saksak ng kanyang pamangkin.

May teorya ang pulisya na ginahasa ang 17-anyos na dalagita dahil hubo’t hubad na ng matagpuan sa palikuran ang bangkay nito. 

Ang bangkay ng mga biktima ay nadiskubre ng kanilang karpinterong si Milo Guanzon dahil pumasok ito sa bahay kahapon ng umaga upang magkape at para tapusin ang kukumpunihin sa bahay ni Judge Amular.

Show comments