MANILA, Philippines - Umaabot na sa apat-katao ang naitalang nasawi habang nasa 219 naman ang dinapuan dengue outbreak sa Iloilo, ayon sa ulat kahapon. Base sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense, ang nasabing bilang ng mga nagkasakit ng dengue hemorrhagic fever ay naitala simula Enero 1 hanggang Mayo 5, 2012. Samantala, patuloy naman ang monitoring sa iba pang biktima na kinakitaan ng sintomas ng dengue sa nakalipas na mga araw. Ang naitalang bilang na 219 kaso ng dengue ay higit na mataas noong 2011 na nakapagtala lamang ng isang patay habang 115 pa ang naratay. Noong Mayo 6 ay aabot na sa 35 katao ang dinapuan ng dengue sa nabanggit na lalawigan habang itinaas naman ang alarma kontra dengue sa mga apektadong barangay partikular na sa Barangay Bakong at Dumangas, Iloilo City na nasa 17 pasyente ang nadale ng nasabing sakit. Magugunita na noong 2011 ay nakapagtala ang Provincial Health Office ng 561-kaso ng dengue sa buong lalawigan na ikinasawi ng 8-katao. Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng mga lokal na opisyal ang mga residente na panatilihing malinis ang kapaligiran upang makaiwas sa kagat ng mga lamok.