MANILA, Philippines - Naalarma ang mga mediamen sa Davao dahil sa mga pagbabanta sa buhay ng kanilang dalawa pang kasamahang brodkaster kaya nais ng mga itong sumalang sa pagsasanay sa self defense.
Ito’y kasunod ng pamamaslang ng riding-in-tandem sa brodkaster na si Nestor Libaton ng DXHM radio /FM noong Martes (Mayo 8) matapos na pagbabarilin sa Mati City, Davao Oriental.
Kasunod nito, ilang araw matapos mapatay si Libaton ay dalawa pang brodkaster na kinilalang sina Lito Labra, commentator ng DXWM Sunshine FM sa Mati City at Nathaniel Quinoñes, ang nakatanggap ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.
Si Labra ay inuulan ng text messages na susunod na itutumba habang umamin naman si Quiñones sa kaniyang facebook account na may mga nagbabanta sa kaniyang buhay.
Nanguna sa mga nais sumalang sa self defense training ay si Fr. Roland Sayman ng lokal na media sa nasabing lalawigan.