MANILA, Philippines - Patay ang isang hinihinalang notoryus na holdaper habang tatlo namang batang bystander ang nasugatan sa barilin ng suspek at ng isang pulis sa Davao City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Supt. Ronald de la Rosa, Davao City Police Director ang nasawing holdaper na si Larry Medel Valentin alyas Toto, 30, walang hanapbuhay at residente ng Brgy Leon Garcia ng lungsod.
Isinugod namang sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na sina Nadea Decasaran Gumacap,3; Racma Sahid Omar, 9 Arsaning Marahumsar Sarip, 11; pawang residente ng Barangay 23, Quezon Boulevard, Davao City.
Ayon kay de la Rosa bandang alas-8:30 ng gabi ng maganap ang barilan matapos na masabat ng mga awtoridad ang suspek sa kahabaan ng Ally at Quezon Boulevard na nakitang may nakasukbit na baril sa baywang.
Tumangging sumuko ang suspek na agad pinaputukan ang pulis na humabol rito na nauwi sa shootout kung saan minalas na tamaan ng ligaw na bala ang mga biktima. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.