MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines - Apat na kalalakihan kabilang ang nakababatang utol ni Raymond Dominguez na nasintensiyahan dahil sa kasong carnapping ang naaresto ng pulisya matapos maaktuhan sa pot session sa bahagi ng Barangay San Agustin sa Malolos City, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ni P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr, Bulacan PNP director, ang mga naarestong suspek na sina Ryan Dominguez, 20, ng Brgy. Iba O’ Esta, Calumpit; Mark Mario Lacambacal, 21, ng Mariano St., Pateros City, Manila; James Jimenez, 37, ng Novaliches, Quezon City; at si Roy Blanco ng F.B. De Jesus Subdivision, Novaliches, Quezon City.
Ayon kay P/Supt. David Poklay, ang mga suspek ay inireklamo ng ilang residente na nagsasagawa ng pot session kung saan nakaparada ang tatlong sasakyan sa loob ng compound.
Nasamsam sa mga suspek ang 2 sachet ng shabu, mga drug paraphernalias, d2-baby Armalite rifle, 2 cal..45 pistol, mga bala, 2-granada,1 Nissan Navara Pick-up (CSJ-33), Toyota Innova (ZCJ-171) at isang Subaru Impreza (ZNX-628).
Napag-alaman din na inalok pa ng P3 milyon ang mga operatiba ng pulisya para makalaya.
Mariin namang itinanggi ng mga suspek ang akusasyon at sinabi pa na planted lamang ang mga ebidensya sa kanila.