MANILA, Philippines - Nag-alok na kahapon ang pamahalaang lungsod ng Iligan ng P.3 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek sa pagpapasabog sa El Centro na ikinasawi ng 2 katao habang 24 iba pa ang nasugatan sa Lanao del Norte noong Sabado ng gabi. Sa radio interview, sinabi ni Iligan City Vice Mayor Henry Dy na ang pabuya ay mula kina Iligan City Mayor Lawrence Cruz at Lanao del Norte 1st District Rep. Vicente Belmonte Jr. Ang nasabing pagsabog, ayon sa mga opisyal ng Iligan City ay kauna-unahan sa kanilang siyudad na naganap sa panulukan ng Roxas at Quezon Avenue sa Poblacion. Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon na rido o clan war ang isa sa motibo ng pagpapasabog.