MANILA, Philippines - Nagpalabas na ng P.6 milyong reward ang lokal na pamahalaan ng Capiz para sa sinumang makapagtuturo sa killer upang malutas ang kaso ng pamamaslang kay Mambusao Vice Mayor Abel Martinez kamakalawa ng umaga.
Sa ulat ng Capiz PNP, ang P.5 milyon ay mula kay Capiz Governor Victor Tanco na sinuportahan naman ni DOTC Secretary Mar Roxas III samantala, ang karagdagang P.1 milyon ay ipinangako naman ni Roxas City Mayor Angel Alan Celino.
Sa tala ng pulisya, si Vice Mayor Martinez ay pinagbabaril sa tapat ng kanilang tahanan sa Poblacion Proper, Mambusao, Capiz ng riding-in-tandem.
Si Martinez ay namatay ilang minuto matapos isugod sa ospital dahil sa tinamong tatlong bala sa mukha at ulo habang dalawa naman sa dibdib.
Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na may kinalaman sa pulitika ang motibo ng krimen dahil sa plano ni Martinez na sumabak naman sa mayoralty race sa May 2013 midterm elections.
Sa tala, si Martinez ang ikalawang vice mayor na pinaslang sa Capiz. Noong Disyembre 30, 2006 ay pinatay din si Tapas Vice Mayor Victor Gardose.