TUGUEGARAO CITY, Philippines - Nasentensiyahan makulong ang dalawang mediamen sa Santiago City matapos mapatunayan ng korte na guilty sa kasong libelo na isinampa ni City Mayor Amelita Navarro.
Sa desisyon ni Judge Efren Cacatian ng Santiago City Regional Trial Court Branch 35, hinatulang mabilanggo ng dalawa hanggang apat na taon ang mga akusadong sina Camilo “Mel” Bitantes at Alberto Dionisio.
Bukod sa pagkakakulong, pinagmulta rin ng P50,000 sina Bitantes at Dionisio bilang danyos sa sinapit ni Mayor Navarro na sinasabing natuliro, hindi makakain, hindi makatulog matapos ang matinding kahihiyaan dahil sa komentaryo ng dalawa na isinasangkot ang opisyal sa pangungurakot at iligal na operasyon ng city transpot terminal.
Inutusan rin ng hukom ang dalawa na bayaran si Mayor Navarro ng tig-P50,000 bilang gastos sa attorney’s fees.
Sinabi ng hukom na hindi wasto ang pagdawit nina Bitantes at Dionisio sa nasabing alkalde sa kanilang blocktime radio program.