50 katao nalason sa kasalan
TUGUEGARAO CITY, Philippines- Umabot sa 50-katao kabilang ang ikinasal ang napaulat na nalason matapos kumain sa handaan sa kasalang naganap sa Barangay Upper San Agustin sa bayan ng Bauang, La Union kamakalawa.
Ang mga biktima na nakaramdam ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka ay isinugod sa iba’t ibang ospital kabilang ang bagong kasal na sina Katlyn Hipona at Francisco Aquino.
Ayon kay Mayor Eulogio De Guzman III, ang bagong kasal ay isa sa 18 pares na kanyang ikinasal sa selebrasyon ng mass wedding sa nabanggit na bayan na nagdaos ng kapistahan.
Maging ang cook na si Cesar Hipona ay aminadong nabiktima rin sa sariling luto bagama’t hindi pa nito natukoy kung ano ang partikular na putaheng nakadale sa mga dumalo sa handaan kabilang ang kanyang sariling kamag-anak.
Ayon kay Dr. Luzviminda Monico ng Naguillan District Hospital, maaaring kontaminado ang ilang naihandang putahe sanhi ng pagkakapanis ng mga ito dulot ng sobrang init ng panahon.
Gayon pa man, hinihintay pa ng kanilang tanggapan ang resulta ng pagsusuri upang matukoy ang ugat ng food poisoning.
- Latest
- Trending