CAMARINES NORTE, Philippines - Lima-katao kabilang na ang apat na sundalo ng Phil. Army ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng mga New People’s Army ang Maot Barangay Hall sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni Col. Richard Lagrana, commanding officer ng Army’s 902nd Infantry Brigade ang mga napatay na sundalo na sina Corporal Armado Parellio, 30, ng Guilidan, Ligao, Albay; Pfc. Teodoro Ojeda, 26, ng Minalabac, Camarines Sur; Pfc Paolo Ortiscio, 27, ng Ramis, Donsol, Sorsogon; Pfc Senesio Potian, 22, ng Bato, Camarines Sur na pawang nakatalaga sa 49th Infantry Batallion; at ang sibilyang si Francisco Ruales, 49, may-ari ng tindahan.
Sugatan naman sina Marlon Matibag, 28, magsasaka at si PFC Leland Besada, 29, nagtamo ng tama ng bala sa ulo na posibleng ilipat sa ospital sa Naga City mula sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Eusebio Arturo Estopares, nagpapahinga pa ang mga sundalo sa loob ng barangay hall matapos ang pakikipagdiyalogo sa mga residente nang atakihin ng mga rebelde.
Nagawang matangay ng mga rebelde ang anim na M16 Armalite rifles, K3 sub-machinegun at cal .45 pistol kung saan tumakas bitbit ang tatlong sugatan nilang kasama.
Samantala, narekober naman sa encounter site ang 300 piraso ng basyo ng ibat ibang klase ng armas, 8 basyo ng shotgun, 5 basyo ng M203, 2-live ammo ng M203 at 6 na pirasong improvise explosive device.
Bibigyan naman ng pagkilala ni Major General Josue S. Gaverza, Jr. commander ng 9th Infantry Division ang mga nasawing sundalo na pawang miyembro ng Army Peace Development Team sa pamumuno ni 1st Lieutenant Eric Estrevillo.