BULACAN, Philippines - Bumagsak din sa kamay ng mga alagad ng batas ang mag-asawang isinasangkot sa kasong P20 milyong estafa matapos maaresto sa bahagi ng Barangay Pulong Buhangin sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng umaga.
Sa bisa ng 42 warrant of arrest, dinakma nina SPO3 Paquito Guillermo,SPO1 Edwin Pagsibigan at PO3 Luisito Hipolito ng CIDT-Bulacan ang mag-asawang suspek na sina Emiliano Glorioso, 44, ng Barangay Bagbaguin at Cherry Lou Tuazon, 31, ng Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Hindi na nakapalag ang mag-asawang suspek sa mga pulis matapos ituro ng ilan sa mga biktimang sina Melody Caguiat, 33, ng Brgy., Poblacion, Sta. Maria at Christoper Dela Cruz, 36, ng Brgy.Tumana.
Nabatid na ang mga suspek ay may nakabimbing warrant of arrest na inisyu nina Judge Oscar Herrera ng RTC Branch 20; Judge Ma. Concepcion Yumang ng RTC Branch 82; Judge Olivia Escubio-Samar ng RTC Branch 79; Judge Basilio Gabo ng RTC Branch 11; Judge Virgilita Castillo ng RTC Branch 12; Judge Teodora Gonzales ng RTC Branch 14; Judge Efren Tienzo ng RTC Branch 21; at Judge Wilfredo Nievez ng RTC Branch 84 na pawang nasa Malolos City, Bulacan.