MANILA, Philippines - Labing isang sundalo at isang sibilyan ang iniulat na napatay makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa Sitio Buhyo, Barangay Gumhang sa bayan ng Tinoc, Ifugao kahapon ng umaga.
Sa phone interview, kinumpirma ni Col. Miguel Puyao, spokesman ng Army’s 5th Infantry Division, bandang alas-8 ng umaga nang sumiklab ang pananambang laban sa tropa ng Army’s 86th Infantry Battalion sa nasabing barangay.
Kabilang sa mga nasawing sundalo ay sina Capt. Seigfred Kafilas, Staff Sgt. Domingo Torres, Cpl Esmael Lazaro, Pfc Ronel Salud, Pfc Kennedy Ragutero, Pfc Dan Jun Viloria, Pfc Jojo Dawaton, Pfc Crismar David, Pfc Ferdinand Naliw si Pfc Ronald Lorenzo at ang sibilyang si Imee Labog ng Solano, Nueva Vizcaya kung saan dinala na ang mga bangkay sa kampo ng Army’s 5th ID sa bayan ng Gamu, Isabela.
Kinilala naman ang mga nasugatan na sina 2nd Lt. Nimrad Lavapiez, Pfc Lopez Pfc Sanadan at ang sibilyang si Jefferson de la Cruz na miyembro ng banda.
Lumilitaw na lulan ang tropa ng mga sundalo ng dalawang KM450 at M35 vehicle nang tambangan ng mga rebelde kung saan gumanti naman ang mga sundalo hanggang sa umatras ang grupo ng NPA.
Nabatid na ang mga ito ay pinalitan sa tropa ng Charlie Company sa bayan ng Tinoc at pabalik na sa himpilan ng 86th Infantry Battalion sa ilalim ni Lt. Col. Eugene Batara sa bayan ng Kiangan nang maganap ang pananambang.(dagdag ulat ni Artemio Dumlao)