MANILA, Philippines - Dalawang bilanggo na nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa pangho-hostage sa may 16 estudyante at guro noong Abril 2011 ang nakapuga sa kanilang detention cell sa Surigao del Sur District Jail sa Tandag City, Surigao del Sur kamakalawa. Kinilala ni Caraga PNP spokesman P/Supt. Martin Gamba, ang mga pugante na sina Joebert “Ondo” Perez, 33; at Babring Tejero, 35. Base sa imbestigasyon, nagawang makatakas nina Ondo matapos na wasakin ang rehas na bakal sa likuran ng selda kung saan gumamit ng hacksaw noong linggo ng madaling araw. Sinamantala naman dalawa ang pagkakalingat ng mga bantay sa nasabing selda. Ang naturang mga preso ay umakyat sa konkretong perimeter fence malapit sa visiting area na hindi naman napansin ng guwardiyang naka-duty.