P.7M ari-arian nilimas
QUEZON, Philippines - Aabot sa P.7 milyong halaga ng alahas, gadgets at foreign currencies ang natangay sa bahay ng 60-anyos na overseas Filipino worker matapos na pasukin ng Akyat-Bahay Gang kamakalawa ng madaling araw sa Barangay Guisgus Talon sa bayan ng Sariaya, Quezon. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Vilmor Manzano, dakong alas-4 ng madaling araw nang nagising si Eustacio Andal kung saan hinanap ang kanyang rolex divers watch (P.5-M) subalit nawawala ito sa kinalalagyan. Nawawala rin ang dalawang iPod, digitel camera, gintong kuwintas, US$200, 200 Swiss Frank at 150 Euro. May teyorya ang pulisya na sinamantala ng mga magnanakaw ang pagkakatulog ng biktima at kanyang mga kaanak nang pasukin ang bahay sa ikalawang palapag.
- Latest
- Trending