CIDG-ST itinanggi ang kasong hulidap
MANILA, Philippines - Tahasang itinanggi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Southern Tagalog ang sinasabing kidnapping at extortion laban sa buong team ng Batangas Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) na inireklamo ng 25-anyos na babae.
Ito’y matapos sibakin ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang buong pangkat ng Batangas CIDT.
Sa ulat ni CIDG Southern Tagalog Region CIDG Chief P/Sr. Supt. Bernabe Balba kay PNP-CIDG Director Samuel Pagdilao Jr., iniulat nito na lehitimo ang pag-aresto sa suspek na si Maria Christina Rodriguez ng # 63 Delacerna Street, Merville Access Road, Pasay City.
Si Rodriguez ay dinakma sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas noong Biyernes ng madaling-araw dahil sa kasong gunrunning at illegal drug trafficking sa Batangas at Metro Manila.
Base sa mga dokumentong isinumite kay Balba ay lehitimo ang operasyon ng Batangas CIDT sa pamumuno ni P/Chief Inspector Jay Agcaoili katuwang ang Batangas Provincial Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency.
Nasamsam mula kay Rodriguez ang dalawang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Itinanggi naman ni Agcaoili ang paratang ng pamilya ng suspek na humihingi sila ng P1 milyon na naibaba sa P400,000 kapalit ng pagpapalaya sa naarestong suspek.
- Latest
- Trending