Batangas CIDT sinibak sa kasong hulidap
MANILA, Philippines - Sinibak na kahapon ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang Batangas Police Criminal Investigation Detection Team (CIDT) dahil sa mga reklamong pagkakasangkot sa kasong hulidap at iba pang kriminal na aktibidades.
Ayon sa bagong PNP spokesman P/Senior Supt. Generoso Cerbo Jr., lahat ng Batangas CIDT team sa pamumuno ni P/Chief Inspector Jay Agcaoili ay ipinag-utos ni Bartolome na isailalim sa ‘restrictive custody’ sa Police Holding and Administrative Unit (PHAU) sa Camp Crame, Quezon City.
Samantala, pinagpapaliwanag din ni Bartolome si P/Senior Supt. Bernabe Balba, regional officer ng 4th Regional Criminal Investigation and Detection Unit na superior officer ni Agcaoili.
Inatasan din sina Calabarzon regional director P/Chief Supt. James Melad at ang Intelligence Group (IG) director na si P/Chief Supt. Charles Calima Jr., na mag-imbestiga at iulat kaagad ang resulta hinggil sa pakikipagnegosasyon ng Batangas CIDT sa pamilya ng sinasabing drug offender na si Christina Rodriguez para palayain ito kapalit ng P1 milyon.
Sa impormasyong nakarating kay Bartolome, naibaba sa P.4 milyon ang hinihingi ng Batangas CIDT sa pamilya ni Rodriguez na sinasabing dinukot sa Pasay bus terminal ng mga armadong kalalakihan noong Abril 18.
Ayon pa sa ulat, dinala ang biktima sa himpilan ng Batangas CIDT sa Camp Miguel Malvar, Batangas kung saan inatasan ang pamilya ni Rodriguez na dalhin ang nasabing halaga.
Sa inilatag na rescue operation ng pinagsanib na elemento PRO IV-A at IG ay nasakote ang pitong personnel ng Batangas CIDT na sina SPO3 Emmanuel Rabe, SPO2 Apollo Marasigan, SPO1 Maximo Catedulla, SPO1 Donnabelle Campos, PO2 Jeffrey Malibiran, PO2 Jose Wally Banaag at civilian utilityman na si Celso Ansino; at PO1 Novel Calo ng Silang PNP.
Tugis naman ang mga nakatakas na tinukoy lamang sa mga alyas na Sir Athan at Sir Jimmy na inaalam pa ang tunay na mga pangalan.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga suspek at isasagawang summary dismissal proceedings.
- Latest
- Trending