LUCENA CITY, QUEZON, Philippines -Apat na miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang lider ng platoon ang napaslang matapos makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa isang bulubunduking bahagi ng bayan ng Lopez, Quezon nitong Biyernes ng tanghali.
Ayon kay AFP Southern Luzon Command Spokesman Col. Generoso Bolina, isa sa mga napatay na rebelde ay kinilalang sa alyas na Ka Bibit, lider ng NPA platoon, tatlo rito ay lalaki at isa naman ang amasona.
Bandang alas-12:20 ng tanghali nang pasukin ng anim na mga rebelde ang tahanan ng sibilyang si Zenaida Guzo sa Brgy. Peñafrancia, Lopez.
Nagresponde naman sa lugar ang tropa ni Army’s 85th Infantry Battalion (IB) Commander Lt. Col. Oliver Maquiling na nauwi sa mainitang bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa kasagsagan ng putukan ay dead-on-the-spot ang dalawa sa mga rebelde habang dalawa naman ay idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang M16 rifles, isang M653 baby armalite rifle at mga subersibong mga dokumento.